Pinag-iingat ng Philippine National Police (PNP) ang publiko sa mga transaksyong gagawin nila online kasunod ng inaasahang pag-atake ng mga scammer ngayong panahon ng kapaskuhan.
Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr ang mga kinauukulang yunit ng Pulisya, partikular na ang Anti-Cybercrime Group na paigtingin ang cyberpatrolling lalo’t karamihan sa mga transaksyon ay online ginagawa.
Pinaalalahanan naman ni Nartatez ang publiko na beripikahin ang pagkakakilanlan at legitimacy ng kanilang katransaksyon bago magpadala ng pera, bumili ng produkto o makisali sa anumang online transaction.
Nagbabala rin ang PNP laban sa mga manloloko dahil patuloy na nagbabago ang kanilang pamamaraan sa pambibiktima ng mga walang kamalay-malay na indibidwal.
Mahigit isang buwan bago ang araw ng pasko, pinalalakas ng PNP ang kanilang pagsisikap na matugunan ang mga mapanlinlang na aktibidad na maaaring kasabay ng pana-panahong pagtaas ng mga transaksyon na nakabase sa internet.