Kinondena ni Senador Joel Villanueva ang pagtatapon sa mga labi ng mga patay na alagang hayop sa Barangay Minuyan Proper, San Jose del Monte, Bulacan at nanawagan ng masusing imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable.
Ayon kay Villanueva, hindi dapat palampasin ang ganitong insidente.
Kinilala rin ng senador ang mabilis na aksyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at hinimok ang mga lokal na pamahalaan na repasuhin ang proseso ng pagbibigay ng permit, inspeksyon at pagbabantay sa mga pet crematorium.
Hiniling din niya sa Department of Trade and Industry (DTI) na imbestigahan ang posibleng panloloko sa mga customer at tulungan ang mga apektadong pet owner na magsampa ng reklamo.
Nanawagan naman ang mambabatas sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na siyasatin ang posibleng paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act at iba pang batas pangkalikasan.
Binigyang-diin ni Villanueva na hindi sapat ang pagpapasara sa establisimyento para matiyak ang pananagutan.
Dapat aniyang matukoy kung sino ang nanloko sa mga pet owner at responsable sa hindi wastong pagtatapon sa mga labi ng hayop.
Giit ng senador, kailangang seryosohin ang kapakanan ng mga hayop at mahigpit na ipatupad ang mga umiiral na batas at regulasyon para maiwasan ang mga katulad na insidente.