Sumampa na sa ₱182.6-million ang halaga ng humanitarian assistance na naihatid ng Department of Social Welfare and Development sa mga apektado ng El Niño.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, aabot na rin sa 190,000 pamilya ang naapektuhan ng matinding tagtuyot sa Cagayan Valley region, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol region, Region 12 at CARAGA.
Kabilang naman sa mga naihatid na tulong ang Emergency Cash Transfer para sa mga apektadong pamilya sa Isabela. Nakikipag-ugnayan din ang DSWD sa mga tanggapan ng agri at social welfare sa lalawigan para matukoy ang pangangailangan ng mga magsasaka.
Namahagi rin ang DSWD ng family food packs sa mga magsasakang apektado ng El Niño sa ilang bayan sa Sorsogon, Camarines Norte at Cotabato.
Tiniyak naman ng DSWD na may nakahanda pa itong ₱46.9 million na Quick Response Fund sa DSWD Central Office at ₱17.09 million naman sa mga regional office sa Cagayan Valley, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol, Region 12, at Caraga.
May karagdagang ₱29.83 million ding nakalaan sa iba pang regional office na maaaring gamitin para madagdagan ang tulong sa mga pamilyang nangangailangan.