Hindi muna sasabay ang Batanes at Naga City sa pagbubukas ng voter registration sa November 10, ayon sa Commission on Elections (COMELEC).
Nilinaw ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na layunin nitong maiwasan ang kalituhan sa mga bagong magpaparehistro na maaaring umakalang makaboboto na sila sa mga nakatakdang botohan ngayong buwan.
Sa November 21, isasagawa ang plebisito sa Naga City, Camarines Sur, upang pagpasyahan kung magiging highly urbanized city ang lungsod.
Samantala, sa November 28 naman ang special election sa Batanes para punan ang nabakanteng puwesto ng kinatawan nito sa Kamara.
Binigyang-diin ni Garcia na ang voter registration na magbubukas sa November 10 ay para sa 2028 National and Local Elections.
Magtatagal ang registration period hanggang July 30, 2027.