Dumalo na sa kanyang huling flag ceremony bilang miyembro ng Supreme Court (SC) si Chief Justice Alexander G. Gesmundo noong November 4, kasabay ng nalalapit na pagtatapos ng kanyang panunungkulan.
Sa kanyang farewell message sa SC sa Padre Faura, Maynila, nagpasalamat si Gesmundo sa mga opisyal at kawani ng hudikatura na tumulong sa pagpapatupad ng mga reporma at modernisasyon ng sistema ng hustisya sa bansa.
Binalikan din niya ang mga hamong kinaharap ng hudikatura, kabilang ang COVID-19 pandemic at ang lumalaking pangangailangan ng publiko para sa mas mabilis at epektibong serbisyo ng mga korte.
Itinalaga bilang ika-27 Chief Justice ng Pilipinas noong April 5, 2021, pinangunahan ni Gesmundo ang Strategic Plan for Judicial Innovations 2022–2027 na naglalayong gawing mas mabilis, abot-kamay at tumutugon sa pangangailangan ng publiko ang hustisya.
Nagpahayag naman si Gesmundo ng kumpiyansa na maipagpapatuloy ng hudikatura ang mga nasimulang reporma sa kabila ng mga hamong kakaharapin nito.
Nagbigay rin ng pagkilala ang iba’t ibang organisasyon ng mga kawani ng SC bilang pasasalamat sa kanyang pamumuno.