Inaasahan ng isang samahan ng mga dealer ng baril ang pagdami ng demand para sa mga firearm vault.
Kasunod ito ng mas mahigpit na pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) sa mga alituntunin para sa ligtas na pagtatago ng baril matapos ang mga naitalang insidente ng pamamaril sa mga paaralan.
Ayon kay Aric Topacio, pangulo ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD), inaasahan nilang tataas ang demand dito mula sa firearm owners na nais lamang sumunod sa batas para maiwasan ang anumang perwisyo at usaping legal.
Nagsimula ang mas mahigpit na pagpapatupad ng polisiya ukol sa mga firearm vault noong October 5, batay sa utos ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO).
Saklaw nito ang mga aplikasyon para sa mga bagong gun owner pati na rin ang mga magre-renew ng kanilang License to Own and Possess Firearms (LTOPF).
Sa ilalim ng nasabing patakaran, obligasyon ng mga aplikante na magsumite ng larawan kasama ang kanilang firearm vault o storage container na may lock at susi, kasabay ng iba pang mga dokumento.
Naglabas din ang PNP-FEO ng mga tiyak na sukat ng vault batay sa uri ng pagmamay-ari ng baril.
Para sa Type 1 gun owner, o may pagmamay-ari ng hanggang dalawang baril, maliit na vault ang kinakailangan, samantalang mas malaking vault naman ang kailangan para sa mga Type 5 gun owner o may higit sa 15 baril.
Binigyang-diin pa ni Topacio na nasa 1% lamang ng mga naitatalang krimen ang kinasasangkutan ng mga rehistradong baril at ang karamihan ay pawang mga loose firearm na.
