Hihigpitan na ng pamahalaan ang pagpasok ng mga kargamento mula sa bansang Laos.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, haharangin na ang lahat ng shipment mula Laos, kabilang ang mga gumagamit ng magnetic lifter, para matiyak na walang itinatagong ilegal na droga.
Kasunod ito ng pagkakasabat ng tinatayang ₱1.3 bilyong halaga ng shabu mula Laos sa Manila International Container Port sa North Harbor, Maynila.
Bago ito ay nasabat rin sa Laos ang mahigit 500 kilo ng shabu sa isang private chartered aircraft na umano’y patungo rin sa Pilipinas.
Ayon kay Remulla, idineklarang mga karton ang laman ng shipment, pero binutasan pala ang mga ito at doon itinago ang droga.
Iginiit din ng kalihim na pahirap na nang pahirap ang pagkuha ng suplay ng ilegal na droga. Patunay aniya rito ang pagtaas ng presyo ng shabu, na ngayon ay P6,800 kada gramo, mula P3,800 noong nakaraang administrasyon.
Kaya tanong ni Remulla, bakit walang nahuli sa mga pantalan sa loob ng anim na taon bago ang 2022, at paano nakalulusot noon ang ilegal na droga.