Inihayag ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang mga hakbang at paghahanda ng ahensya upang maibsan ang posibleng epekto ng El Niño sa sektor ng edukasyon at kaligtasan ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Angara na kabilang sa pangunahing estratehiya ng kagawaran ang pagpapalakas ng programang Gulayan sa Paaralan.
Ayon sa kalihim, malaki ang maitutulong nito upang magsilbing alternatibong mapagkukunan ng suplay ng pagkain para sa mga komunidad ng paaralan sa gitna ng banta ng tagtuyot o kakulangan sa suplay ng agrikultura.
Bukod dito, binigyang-pansin din niya ang mahalagang papel ng mga farm school sa bansa.
Aniya, ang mga paaralang ito ay hindi lamang nakatuon sa pagkatuto ng mga mag-aaral kundi maaari ring maging aktibong katuwang sa mas pinalakas na produksyon ng pagkain.
Patuloy ang pagtutok ng DepEd sa mga hakbang na ito upang masiguro ang food security at ang kapakanan ng mga estudyante sa kabila ng mga hamon na dala ng pagbabago ng panahon.