Upang maprotektahan ang publiko laban sa dumaraming kaso ng mapanlinlang na mga online lending scam ngayong papalapit na ang holiday season, nakatakdang maglabas ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC ng isang komprehensibong listahan ng mga rehistrado at lehitimong online lending platforms.
Ayon kay CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, magiging kakaiba ang listahang ito dahil direktang ilalabas ng ahensya ang mga opisyal na URL o web link ng mga lehitimong online lending service.
Aniya, mahalagang hakbang ito dahil marami sa mga gumagana ngayong online lending platforms ay tanging web-based lamang at walang sariling mobile application na mada-download sa mga app store.
“Kailangan naming ilabas ang mga mismong URL o link dahil ilan sa kanila ay web-based o walang app,” pahayag ni Usec. Paraiso.
Madalas na target ng mga mapagsamantalang indibidwal at sindikato ang panahon ng kapaskuhan kung kailan mataas ang pangangailangan ng publiko sa pinansyal na tulong.
Nagkalat ang iba’t ibang online lending apps at websites na nag-aalok ng mabilis na pautang ngunit kalaunan ay naniningil ng napakataas na interes o kaya naman ay gumagamit ng illegal na harassment at panggigipit sa pamamagitan ng pag-access sa contact list ng mga nanghiram.
Hinihikayat ng CICC ang mga mamamayan na maging labis na mapanuri at i-verify muna ang pinagmumulan ng kanilang transaksyon bago magbigay ng personal na impormasyon o pumasok sa anumang kasunduan sa pag-utang online.
Sa pamamagitan ng ilalabas na directory ng mga opisyal na link mula sa pamahalaan, inaasahang mababawasan ang biktima ng mga pekeng loan app at website ngayong taon.