Aminado ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority na ang pangunahing problema ngayon na kinahaharap nila ay ang kakulangan ng tren sa LRT line 2.
Sa panayam ng PTV kay LRTA Administrator, Atty. Hernando Cabrera, sinabi nitong maayos naman ang pasilidad ng LRT-2 ngunit ibang usapan na kung bilang ng mga pasaherong naaantala ang titignan dahil sa kulang na mga tren.
Sa ngayon kasi ay nasa sampung tren na lang ang operational sa LRT-2 bagay na hindi sapat sa daily ridership ng mga istasyon nito.
Kakayanin naman ng LRT-2 ang dagdag na tren ngunit pahirapan umano ang delivery at procurement nito na posibleng abutin ng tatlong taon.
Papalo naman sa hindi bababa sa 12 billion pesos ang kakailanganin upang mabili ang mga bagong tren ng LRT-2.
Sa ngayon naisagawa na ang trial test run ng mga bus na siyang iikot din sa ruta ng LRT-2 na isinasapinal pa rin ng DOTr at ng LTFRB.
Hakbang umano ito upang hindi maipon ang mga pasahero at magkaroon sila ng alternatibong transport mode maliban sa LRT-2.