Pinalalakas ng Department of Energy (DOE) ang mga hakbang upang matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa mga mahahalagang pasilidad sakaling maapektuhan ng El Niño ang suplay ng enerhiya sa bansa.
Sa pamamagitan ng Task Force on Energy Resiliency, pinaghahandaan ng DOE ang posibleng epekto ng El Niño sa mga ospital, health center, pasilidad ng suplay ng tubig at mga food hub.
Katuwang ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ipinapatupad ng DOE ang kahingian na magkaroon ang mga naturang pasilidad ng mga alternatibong pinagkukunan ng kuryente o backup power system na kayang magpatakbo ng kanilang operasyon nang hindi bababa sa pitumpu’t dalawang oras kahit mawalan ng suplay mula sa pangunahing grid.
Kasabay nito, pinabibilis din ng kagawaran ang pagkumpleto sa mga proyektong pang-enerhiya sa ilalim ng Task Force 200 upang higit pang mapatatag ang seguridad sa suplay ng kuryente.
Hinikayat din ng DOE ang publiko na maging responsable sa paggamit ng kuryente sa pamamagitan ng kampanyang Oras Natin sa Efficiency o O.N.E.