Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ceremonial first gas activation ng Malampaya Phase 4 Project sa Tabangao, Ambulong, Batangas City, Batangas.
Ayon sa Pangulo, malaking bagay ito para sa mga Pilipino sapagkat ito’y sariling gas ng Pilipinas na magdudulot ng mas maaasahang kuryente at mas matatag na enerhiya sa bansa.
Sinabi ng Pangulo na sa pamamagitan ng paggamit ng Malampaya gas ay magkakaroon din ng bentahe ang mga kumokonsumo ng kuryente dahil magiging maganda ang kompetisyon sa gitna ng tumataas na power rates.
Binigyang-diin ng Pangulo na dahil sa Malampaya ay mababawasan ang pagiging palaasa ng bansa sa imported energy sources na karaniwang walang kasiguraduhan ang katatagan ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Kaya sinabi ng Pangulo na malaki ang maitutulong ng Malampaya Phase 4 Project pagdating sa energy independence, lalo’t lumalaki ang demand sa enerhiya ng bansa kasabay ng paglago ng ekonomiya.
