Pinuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang hakbang ng Senado na alisin sa panukalang 2027 National Expenditure Program ang 295 proyekto na nagkakahalaga ng ₱8.8 billion dahil sa kakulangan ng mga kinakailangang dokumento.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking kumpleto ang mga supporting documents ng lahat ng proyektong isusumite para maisama sa 2027 national budget, bilang bahagi ng kampanya laban sa mga ghost infrastructure project.
Ayon kay Public Works Secretary Banoy Lopez, ipagpapatuloy ng ahensya ang mga repormang sinimulan ni dating Secretary Vince Dizon.
Kabilang sa mga kailangang isumiteng dokumento ang Approved Program of Work, validated geo-tagged photos, Budget Preparation 202 compliance, Certificate of Implementability, master plan o feasibility study, endorsement mula sa Regional o Local Development Councils o Certificate of Non-Objection.
Binigyang-diin ni Lopez na mahigpit ang utos ng Pangulo na walang proyektong kulang sa dokumento ang dapat makalusot upang matiyak na maayos, transparent at aktuwal na mapapakinabangan ng publiko ang mga proyektong popondohan ng pamahalaan.
