Pinalalakas ng pamahalaan ang produksyon sa agrikultura at logistics kasabay na rin ng pagbibigay ng tulong sa mga apektadong sektor.
Ito’y makaraang maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa 7.8% ang inflation rate nitong Oktubre dahil sa pagtaas ng pamasahe at singil sa kuryente.
Ayon kay Department of Economy, Planning & Development (DEPDev) Sec. Arsenio Balisacan, patuloy na binabantayan ng Inter-Agency Committee on Inflation and Market Outlook, kasama ang Bangko Sentral ng Pilipinas, ang galaw ng presyo ng mga bilihin sa bansa.
Batay sa ulat ng Department of Agriculture (DA), pinalawak nito ang suporta sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na nagbibigay ng sertipikadong binhi, makinarya, pagsasanay, at pautang sa mga magsasaka.
Pinalalawak din ang mga KADIWA ng Pangulo outlet upang direktang maikonekta ang mga producer sa mga mamimili. Hanggang noong Oktubre 21, nakapaglabas na ang DA ng ₱11 bilyon para sa production support, cash aid, at iba pang interbensyon.
Sinimulan na rin noong Oktubre ang pamamahagi ng ₱3 bilyong fuel subsidy para sa humigit-kumulang 300,000 magsasaka, mangingisda, at delivery truck drivers.
Sa sektor naman ng enerhiya, nagpapatupad ang Department of Energy (DOE) ng mga hakbang upang matiyak ang sapat na supply ng kuryente sa gitna ng El Niño.
Kabilang dito ang pagdaragdag ng generation capacity at pagpapabilis ng energy storage systems.
Pansamantala ring sinuspinde ng Energy Regulatory Commission (ERC) at DOE ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM) Reserve Market upang mapababa ang ancillary service costs na nagpapataas sa singil sa kuryente, partikular sa Visayas.