Siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang komprehensibong tulong para sa mahigit 800 Pilipinong pinauwi mula Sabah, Malaysia.
Ayon kay DSWD spokesperson Asec. Irene Dumlao, dahil isinasailalim sa profiling at health check-up ang mga repatriate, ibinabatay din sa pangangailangan ng bawat indibidwal at pamilya ang mga ibibigay na social protection services, partikular sa mga bata at iba pang vulnerable sectors.
Kabilang dito ang pansamantalang matutuluyan at pamasahe o transportasyon para makabalik sa kani-kanilang probinsya.
Nagbigay rin ang DSWD ng counseling, psychosocial interventions at stress management, lalo na sa mga batang lumaki sa Malaysia at nahihirapang iwan ang lugar na itinuring nilang tahanan.
Tinutulungan din ang mga magulang sa pamamagitan ng skills assessment, livelihood assistance at oportunidad sa trabaho. Nakikipag-ugnayan din ang ahensya sa mga LGU para matiyak ang tuloy-tuloy na aftercare at maayos na pagtanggap sa mga pamilyang nagbabalik sa kanilang mga komunidad.
Batay sa datos ng DSWD, sa mahigit 800 Pilipinong kabilang sa unang batch, 26 na lamang na patungong Palawan ang nananatili sa processing center habang hinihintay ang sasakyang pandagat. Ang iba ay ligtas nang nakabalik at nakapiling ang kanilang mga pamilya sa iba’t ibang lalawigan.