Iniimbestigahan na ng Philippine Navy ang isa nilang reservist na nagpahayag ng nakababahalang komento sa social media.
Kaugnay ito sa nangyaring riot ng mga kabataan sa San Andres Bukid sa Maynila kamakailan.
Ayon kay Navy Spokesperson Capt. Marissa Martinez, aalamin nila ang pananagutan ni Aristotle Quitana.
Sa social media post kasi ni Quitana na burado na ngayon, nagbitaw siya ng mga komentong “Boring walang patay” at “Dapat may patay para sikat” sa nangyaring riot.
Lumalabas maman na si Quitana ay barangay treasurer din sa isang barangay sa San Andres Bukid.
Paliwanag ni Martinez, sakaling mapatunayan na may paglabag sa military rules, papatawan ng parusa ang reservist ng dishonorable discharge sa Reserve Force.
Giit niya, hindi kinukunsinte ng Philippine Navy ang anumang pahayag na nag-uudyok ng karahasan at nagpapakita ng kawalang paggalang sa buhay ng tao.
Taliwas kasi aniya ito sa core values ng Navy na dapat magpakita ng disiplina sa lahat ng pagkakataon.