Iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na matagumpay na naipapanalo ng pamahalaan ang kampanya laban sa iligal na droga sa tamang paraan.
Kasunod ito ng pagkakasabat sa isang kargamento na may aabot sa 200 kilo ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nagkakahalaga ng tinatayang 1.36 bilyong piso.
Ibinida ni Remulla na maganda ang nagiging resulta ng operasyon at giyera kontra iligal na droga dahil wala umanong patayang nagaganap.
Ipinunto rin ng kalihim na mahigpit nilang sinusunod ang mga tamang proseso at alituntunin sa ilalim ng batas upang masawata ang kalakalan ng ipinagbabawal na gamot sa bansa, nang hindi dumadaan sa madugong pamamaraan.
Aniya, hindi titigil ang pamahalaan hangga’t hindi nalalansag ang iba pang indibidwal at grupo na sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.