Itinutulak ni Senate Committee on Agriculture chairman Senador Kiko Pangilinan ang pagpapalawak ng insurance protection para sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng pagpapalakas sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Ito ay nakapaloob sa inihaing Senate Bill 2583 ng senador na naglalayong palawigin ang operasyon ng PCIC at palawakin ang saklaw ng mga serbisyong insurance nito, lalo na sa harap ng banta ng matinding El Niño at iba pang panganib na dulot ng pagbabago ng klima.
Sa ilalim ng panukala, isasama sa insurance coverage ang mas maraming agricultural products at ari-arian, kabilang ang palay, mais, high-value crops, alagang hayop, aquaculture, kagamitan at imprastraktura sa agrikultura.
Palalakasin din ang life at accident insurance para sa mga magsasaka at mangingisda.
Iminungkahi rin dito ang paggamit ng makabagong teknolohiya at parametric insurance na magbibigay ng bayad batay sa mga itinakdang panukat gaya ng dami ng ulan at tindi ng tagtuyot.
Nais ding ibaba mula pitong ektarya sa tatlong ektarya ang landholding threshold para matukoy ang mga subsistence farmer na maaaring makatanggap ng tulong sa pagbabayad ng insurance premium.
Giniit ni Pangilinan na dapat may maaasahang proteksyon ang mga magsasaka at mangingisda para makabangon sa pinsalang dulot ng bagyo, baha, tagtuyot at pagkalat ng sakit, nang hindi sila nalulubog sa utang at mapagpatuloy ang kanilang kabuhayan. | ulat ni Nimfa Asuncion