Ipinagtibay ng Department of Finance (DOF) ang kahalagahan ng pagtatatag ng bagong financial mechanism para sa disaster resilience sa buong rehiyon ng ASEAN.
Ito ang binigyang-diin ng DOF sa katatapos na SEADRIF o Southeast Asia Disaster Risk Insurance Facility and development insurer ng ASEAN+3 na pinangunahan ng Pilipinas at Japan.
Layon ng roundtable discussion na palakasin ang kahandaan laban sa mga natural calamities.
Ayon kay DOF International Finance Group (IFG) Undersecretary Joven Z. Balbosa, malaking tulong ang panukalang SEADRIF-SAFE o Sovereign Asset and Fiscal Empowerment upang masiguro ang proteksyon tuwing may sakuna o kalamidad.
Ang hakbang na ito ay magbibigay-daan sa paggamit ng regional risk pooling at mas madaling akses sa international insurance markets.
Matatandaang unang inendorso ang SAFE sa ginanap na 29th ASEAN+3 Finance Ministers and Central Bank Governors Meeting sa Uzbekistan nitong nagdaang Mayo.
Nagpahayag naman ng suporta ang ASEAN members state sa inisyatiba.
Pagtiyak ng DOF, patuloy nitong tututukan ang pag-unlad ng proyekto upang masigurong protektado ang mga pampublikong ari-arian ng bansa laban sa climate shocks.