Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) kung may ugnayan ang P1.36 bilyong halaga ng hinihinalang shabu na nasabat sa Manila International Container Port, at ang P3.5 bilyong halaga ng ilegal na droga na nasabat sa Laos noong nakaraang buwan.
Ayon kay PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., layon ng imbestigasyon na matukoy ang mga nasa likod ng operasyon, maputol ang kanilang mga ruta, at matiyak na hindi magiging daanan ng mga internasyonal na sindikato ng droga ang Pilipinas.
Nabatid na nasa 200 kilo ng hinihinalang shabu ang nasabat ng PDEA, Bureau of Customs, at PNP mula sa isang 40-footer na container noong Miyerkules.
Iniimbestigahan na rin ang consignee ng kargamento ng mahigit 50 idineklarang karton na nagmula sa Laos at dumaan sa Haiphong, Vietnam, at Hong Kong bago dumating sa Maynila.
Sa ngayon, pinaiigting din ng PNP ang intelligence-sharing sa mga lokal at dayuhang law enforcement agency para maharang ang mga kargamentong dumadaan sa mga international trade routes. | ulat ni Diane Lear