Nais ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na magkasa ng masusing imbestigasyon sa pagtatapon ng labi ng mga aso at pusa sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Sa House Resolution 1576, hiniling ni De Lima na panagutin ang mga responsable at repasuhin ang mga batas at regulasyon para sa mga pet crematorium.
Natagpuan ang mga labi ng mga fur babies na naunang dinala sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor City, Cavite, para sa cremation.
Ipinunto ni De Lima na walang malinaw na regulasyon sa mga pet crematorium sa ilalim ng Animal Welfare Act, gayundin ang sistema para matiyak ng mga furparent kung talagang na-cremate ang kanilang mga alaga.
Dagdag niya na bagama’t itinuturing na refuse o basura ang mga patay na hayop sa ilalim ng Presidential Decree 856 o Sanitation Code, wala itong malinaw na gabay sa wastong pangangasiwa at pagtatapon ng mga labi ng alagang hayop.
Giit ng mambabatas, dapat imbestigahan ang insidente at panagutin ang mga nasa likod nito upang hindi na makapambiktima ng iba pang furparents.
Punto pa niya, matinding sakit ang idinulot nito sa mga furparents na nagbayad upang mabigyan ng marangal na pamamaalam ang kanilang mga alaga.
“Napakasahol ng scam na ito, at dapat tugisin at panagutin lahat ng walang pusong gumagawa nito nang hindi na pamarisan o magtangka pang mambiktima ng iba pang furparents. Bukod sa di birong halaga na inilaan ng mga furparents para mabigyan ng marangal na libing at pamamaalam ang kanilang alaga, sinagad pa lalo ng mga nasa likod ng kademonyohang ito ang sakit at pasakit sa mga biktima. Justice for all the innocent pets and their families!” diin ni de Lima.