Patuloy na pinagtitibay ng mga bansang kasapi ng ASEAN ang kanilang pagtutulungan upang maprotektahan ang mahihirap at vulnerable sector laban sa epekto ng El Niño.
Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, may kani-kaniyang programa ang bawat miyembrong bansa para matulungan ang mga pamilyang higit na apektado ng mga krisis.
Sa Pilipinas, kabilang dito ang UPLIFT assistance para sa emergency sa enerhiya at ang Emergency Cash Transfer para sa mga apektado ng El Niño.
Binigyang-diin ni Gatchalian na mahalaga rin ang palitan ng kaalaman at karanasan ng mga bansa sa larangan ng social protection, lalo’t walang umiiral na iisang modelo para matugunan ang matinding epekto ng kasalukuyang very strong El Niño.
Umaasa ang Pilipinas na makapagbabahagi ang mga bansang ASEAN ng mga epektibong hakbang upang mas mapatatag ang proteksyon sa mahihirap at bulnerableng mamamayan lalo na at inilunsad ngayong araw ang iisang portal na magsisilbing database ng mga bansang kasapi sa mga programang may kinalaman sa socio-cultural community.