Inilunsad ng ASEAN Socio-Cultural Community o ASCC ang isang bagong digital monitoring system na magtitipon sa mga datos mula sa iba’t ibang sektor upang masubaybayan ang pagtupad ng mga miyembrong bansa sa kanilang mga pangako at development targets.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, layunin ng Project Monitoring, Evaluation and Learning o PMEL System na pagsamahin sa iisang central database ang mga impormasyong dati-rati ay nakakalat sa iba’t ibang ahensya at sektor sa rehiyon.
Kabilang sa mga datos na maaaring subaybayan ang child protection, labor protection, kapakanan ng migrant workers, disaster response at iba pang usapin sa human development.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na bukod sa pagpapadali ng pag-access sa impormasyon, may monitoring mechanism din ang sistema upang masukat ang epekto ng mga programa at matukoy kung saan kinakailangan ang karagdagang hakbang.
Binuo ang sistema sa pakikipagtulungan at suportang pinansyal ng pamahalaan ng Germany.
Inaasahang makatutulong ang bagong platform upang mas maging episyente ang pagmo-monitor sa mga commitment ng ASEAN at matiyak na naisasalin ang mga napagkasunduan sa kongkretong benepisyo para sa mamamayan ng rehiyon.