Pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nang 30 araw ang deadline ng aplikasyon para sa regularisasyon ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) na nasa ilalim ng tinatawag na “tempo” status.
Ang “tempo” status ay ang pagpapasok ng mga Transport Network Company sa kanilang app ng mga TNVS unit kahit wala pang prangkisa o awtoridad mula sa LTFRB.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Greg Pua Jr., alinsunod ito sa utos ni Transportation Secretary Vince Dizon na tiyaking walang maiiwang driver bilang bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mabigyan ng disenteng kabuhayan ang mga nasa sektor ng pampublikong transportasyon.
Layon aniya ng regularisasyon na matulungan ang libu-libong driver na nagtiwala sa proseso at malaki na ang nagastos.
Paalala naman ng LTFRB sa mga aplikante na ihanda at maayos na i-upload ang lahat ng kinakailangang dokumento, lalo na ang patunay ng pagmamay-ari ng sasakyan, para hindi makansela ang kanilang aplikasyon.
Sa ngayon, umabot na sa 13,216 ang nag-apply at 5,091 na sa mga ito ang nabigyan ng Provisional Authority.
