Target ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na matapos bago matapos ang taong 2026 ang pagtalakay sa panukalang reporma sa party-list system upang maisalang ito sa plenary deliberations sa unang quarter ng 2027.
Ayon kay Committee Chairperson Zia Alonto Adiong, kasalukuyang pinag-iisa at pinag-aaralan ng komite ang siyam na bersiyon ng panukalang Party-List Reform Act o House Bill No. 9906.
Giit ni Adiong, layunin ng panukalang batas na maibalik ang orihinal na layunin ng party-list system na bigyang-boses sa Kongreso ang mga marginalized at underrepresented sectors, kasunod ng mga batikos na nalihis na umano ang sistema sa tunay nitong mandato.
Kabilang din sa mga ikinokonsidera ng komite ang pagha-harmonize sa iba’t ibang desisyon ng Supreme Court na nakaapekto sa interpretasyon at implementasyon ng kasalukuyang party-list law upang maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad nito.
Patuloy pa ang public consultations ng komite sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang makuha ang pananaw at mungkahi ng mga stakeholder bago buuin ang pinal na bersiyon ng panukala.
Matapos ang konsultasyon sa Butuan, nakatakda pang magsagawa ng public consultation sa Iloilo at Manila.