Photo courtesy of Department of Environment and Natural Resources
Itinaas na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa maximum alert status ang mga hakbang nito laban sa posibleng paglaganap ng sunog sa mga kagubatan at damuhan dahil sa inaasahang matinding init sa panahon ng Very Strong El Niño.
Ayon kay DENR Secretary Mitch Cuna, nagpapatupad na ng interventions ang mga regional office ng ahensya para maprotektahan ang mga kagubatan at damuhan laban sa banta ng wildfire.
Kabilang sa mga hakbang ang pag-deploy ng mga tauhan para sa forest protection, pagsasanay sa mga forest officers, pagtatayo ng firelines, mahigpit na pagbabawal sa open burning, at pansamantalang pagsasara ng mga protected areas na itinuturing na high-risk.
Tiniyak din ni Sec. Cuna, na naka-full alert at 24/7 standby ang mga Quick Response Team ng DENR sa lahat ng regional offices para tumulong sa pag-apula ng mga sunog sa kagubatan.
Kasunod nito, binigyang-diin ng DENR ang kahalagahan ng pakikiisa ng publiko para maprotektahan ang mga kagubatan laban sa sunog, lalo na sa harap ng banta ng matinding El Niño.
Hinimok niya ang publiko, mga magsasaka, at lokal na opisyal na mahigpit na sundin ang pagbabawal sa pagsusunog ng basura at kaingin para maiwasan ang forest fire.