Arestado ng mga tauhan ng Police Regional Office 3 ang nasa 19 na indibidwal matapos mabisto ang iligal na operasyon ng online sabong sa Bgry. Poblacion, Pandi, Bulacan.
Nabatid na gumagamit ng supistikadong livestreaming equipment ang iligal na online sabungan na ang target na mananaya ay mula pa sa mga bansang Mexico, Vietnam, at Cambodia.
Sa bisa ng Search Warrant mula sa Malolos City Regional Trial Court Branch 104, sinalakay ng Pulisya ang naturang online sabungan at nadiskubre ang dalawang studiong ginagamit sa tupada.
Ayon kay Police Regional Office 3 Director, Police Brig. Gen. Jess Mendez, patuloy nilang paiigtingin ang kanilang paggalugad laban sa iligal na sugal sa kanilang rehiyon.
Patuloy aniya nilang tinutugis ang may-ari ng online sabungan gayundin ang bisor nito na kabilang sa sasampahan nila ng patong-patong na kaso.
Pinuri naman ni PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga operatibang nagkasa ng operasyon at tiniyak na palalakasin pa ang kakayahan ng mga pulis na supilin ang mga iligal na aktibidad gamit ang makabagong teknolohiya.

