Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko laban sa mga online scheme na gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan upang linlangin ang publiko at makapangikil ng pera.
Ito’y matapos matuklasan ang isang mapanlinlang na Facebook account na gumagamit ng pangalang “Jose Melencio Corpus” at ang litrato ni PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr.
Nilinaw ng PNP na hindi awtorisado ang account at hindi kumakatawan kay Gen. Nartatez o sa anumang opisyal na komunikasyon ng Pambansang Pulisya.
Hinimok din ng PNP chief ang publiko na huwag tumanggap friend request at tumugon sa mga kahilingan na may kinalaman sa pera, personal na data, o mga pabor na nagmumula sa mga hindi beripikadong account na nagpapakilalang opisyal ng PNP.
Kaugnay nito, inatasan ni Nartatez ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na agad na imbestigahan at tukuyin ang indibidwal o grupo sa likod ng panggagaya ng account.