Pinaalalahanan ng House Prosecution panel ang Depensa ni Vice President Sara Duterte na iwasan ang mga usaping maaaring magdulot ng pagkaantala sa impeachment trial na magpapatuloy ngayong Lunes.
Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Benjamin Tolosa Jr., dapat nang ituon ng Depensa ang kanilang presentasyon sa natitirang Article II o ang alegasyon ng Unexplained Wealth laban sa Bise Presidente.
Nababahala si Tolosa sa naunang iginiit ng Depensa na dapat pa rin silang makapaghain ng ebidensiya kaugnay ng tatlong Impeachment Article na binawi ng House Prosecution.
Gayunman, sinabi niyang malinaw na nagpasya na ang Senate Impeachment Court na hindi na dapat payagan.
Iginiit ni Tolosa na maaari lamang itong magdulot ng hindi kinakailangang pagkaantala sa paglilitis.
Matatandaang tatlong Impeachment Article ang binawi ng House Prosecution noong October 13, kaya Article II na lamang na tumatalakay sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman, hindi idineklarang ari-arian at ipinagbabawal na interes sa negosyo ang natitira.
Nakatakdang magsimula ngayong alas-10 ng umaga ang presentasyon ng mga testigo at ebidensiya ng Depensa ni Duterte.