Courtesy of PhilSA
Nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa posibleng panganib ng debris mula sa Long March 12 rocket na inilunsad ng China kaninang madaling araw.
Posibleng bumagsak ang debris sa karagatang 25 nautical miles mula sa Puerto Princesa at 19 nautical miles mula sa Tubbataha Reefs Natural Park.
Inilunsad ang rocket dakong alas-4:24 ng madaling araw mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa China.
Ayon sa PhilSA, maaaring magdulot ng panganib ang debris sa mga barko, eroplano at bangkang pangisda.
Posible ring maanod ang mga debris sa kalapit na baybayin, habang hindi inaalis ang posibilidad ng uncontrolled re-entry ng rocket upper stage.
Pinapayuhan ang publiko na ireport sa mga awtoridad ang anumang makikitang debris at huwag itong hawakan dahil posibleng may nakalalasong rocket fuel residue.