Screenshot
Inanunsyo ngayon ni Agriculture Sec. Francisco Tou-Laurel Jr. ang pagpapatupad ng 60-araw na import ban (quantitative restrictions) sa imported pork.
Ito ay sa bisa ng Department Order 33 na inilabas ng Department of Agriculture (DA) nitong November 7 na nakatutok sa Pork Safeguard Measures.
Sa ilalim nito, kabilang sa mga ipagbabawal pansamantala ang fresh, chilled, at frozen swine carcasses at half-carcasses; bone-in ham, shoulders; at iba pang bone-in cut; fresh, chilled, at frozen edible offal at liver.
Ayon sa kalihim, layon ng hakbang na mabigyang proteksyon ang lokal na industriya na umaaray na at nalugi na ng P28 bilyon dahil sa pagdagsa ng murang imported pork at pagbaba ng farmgate prices.
Ginagawa rin umano ito para mabigyan ng mas patas na pagkakataon ang mga magbababoy sa bansa.
Magiging epektibo ang polisiya 15 araw matapos na mailathala ang kautusan sa pahayagan at ipapadala rin ito sa Bureau of Customs para sa implementing guidelines.
Bukod sa import ban, tiniyak ng kalihim na susunod na isusulong ang pagtataas ng taripa sa imported pork.

