Isinusulong ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang mga paghihigpit sa political dynasty bilang bahagi ng panukalang reporma sa party-list system upang matiyak na tunay na kinatawan ng marginalized at underrepresented sectors ang mga makakaupo sa Kongreso.
Ayon kina Committee Chairperson Zia Alonto Adiong at mga miyembro ng komite, kabilang sa mga pinagkakasunduang probisyon ang pagbabawal sa pagtakbo bilang party-list nominee ng mga malalapit na kamag-anak ng mga nakaupong opisyal.
Sa talakayan, ipinaliwanag ni ACT Teachers party-list Representative Antonio Tinio na nakasaad sa panukala ang pagbabawal hanggang second degree of consanguinity or affinity, na sumasaklaw sa asawa, anak, magulang at kapatid.
Gayunman, kinilala ng mga mambabatas ang posibilidad na gumamit ng ibang kamag-anak ang mga political family upang makalusot sa naturang restriksyon o circumvention.
Sinabi naman ni Adiong na kailangang magkaroon ng mga safeguard upang maiwasan ang manipulasyon sa sistema, kabilang ang masusing pagsusuri kung tunay na kabilang sa sektor o may sapat na track record sa adbokasiya ang isang party-list nominee.
Binigyang-diin din niya na kailangang maging maingat sa pagpapatupad ng pagbabawal upang hindi ma-descriminate ang isang tao dahil lamang sa kapareho niya ng apelyido ang isang halal na opisyal.