Nagsagawa na ng send-off ceremony ang Bureau of Fire Protection (BFP) para sa mga tauhang ide-deploy bilang suporta sa seguridad at kaligtasan sa gaganaping 49th ASEAN Summit and Related Summits sa November 16-18.
Pinangunahan ni BFP Officer-in-Charge FCSUPT Wilberto Rico Neil Kwan Tiu BFP ang send-off sa National Headquarters sa Quezon City.
Ayon sa BFP, ipapadala ang mga tauhan sa mga itinalagang venue, hotel, at billeting areas para magbigay ng firefighting, search and rescue, hazardous materials response, at emergency medical services, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Paalala ng BFP Chief sa mga tauhan, ang kanilang kilos at pagganap sa tungkulin ay sumasalamin hindi lamang sa ahensya kundi maging sa kakayahan ng bansa na magbigay ng ligtas at maayos na kapaligiran para sa mga international delegate.
📸 BFP


