Ipinatupad ng House of Representatives ang malawakan at makabuluhang reporma sa budget process kasunod ng kontrobersya ng “ghost” infrastructure project.
Ayon kay Bataan 2nd District Representative Albert Garcia na siya ring senior vice chair ng House Committee on Appropriations, Ipinatupad ng Kamara ang mataas na antas ng transparency af accountability sa panukalang 2027 National Budget.
Sa katunayan aniya, binuksan ng Kapulungan—sa pamumuno nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos—ang mga pagdinig sa badyet sa publiko at pinalakas ang partisipasyon ng pribadong sektor.
Nagtatag din ng online portal upang mas madaling ma-access ang impormasyon ukol sa pambansang pondo.
Sinabi ni Garcia na isinagawa ang mga repormang ito kasunod ng mga usapin tungkol sa mga iregularidad at umano’y pekeng proyekto sa pampublikong imprastraktura noong nakaraang taon.
Idinagdag din niya na pinalitan na ng Kapulungan ang kontrobersyal na “small committee” at nagtatag ng bagong mekanismo para sa pagsusuri ng mga amendments sa badyet.
Muli ring binigyang-diin ni Garcia ang commitment ni Speaker Dy na harangan ang anumang ghost project sa pambansang badyet.
Diin pa ng mambabatas, bukas sila sa mga puna at pagsusuri ng media, civil society, at ng simbahan upang mapabuti ang budget process.