Photo courtesy of DepEd Philippines
Nagpatupad ng mahigpit na safeguards ang Department of Education (DepEd) para hindi maibenta, maisangla, o mailipat nang walang pahintulot ang mahigit 231,000 bagong laptop para sa mga guro.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mananatiling pag-aari ng gobyerno ang bawat unit at nakatala ito sa opisyal na accountability records ng ahensya.
“Hindi po puwedeng ibenta ang mga ito dahil nananatili itong government property. Bawat paaralan ay may nakatalagang property custodian na nagbabantay sa imbentaryo at maayos na paggamit ng mga laptop,” paliwanag ni Angara.
Naka-enroll din ang lahat ng laptop sa Mobile Device Management system ng DepEd. Dahil dito, kayang i-lock o i-disable nang malayuan ang mga ninakaw o ilegal na naibentang unit.
Mahaharap naman sa kasong administratibo at kriminal ang sinumang lalabag. Matatandaang pormal nang inilunsad ng DepEd kahapon sa Dagupan City National High School sa Pangasinan ang nationwide distribution ng 172,654 MacBook Neo units at 62,717 Windows-based laptops.|