Inihahanda na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapa-uwi sa labi ng Pinoy Seafarer na nasawi sa pag-atake sa cargo vessel na Velos Sapphire sa Persian Gulf noong November 5.
Kasabay nito, sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, inaayos na rin ang pagpapa-uwi sa 21 pang surviving Filipino crew members.
Ayon kay Cacdac, nakarating na ang barko sa isang ligtas na daungan at naibaba na rin ang labi ng nasawing seafarer upang agad nang maipadala pabalik ng Pilipinas.
Nabatid na lulan ng inatakeng barko ang nasa 22 Pinoy Seafarers noong madaling araw ng November 5 kung saan, nasugatan ang isa sa 21 nakaligtas ngunit naka-recover na rin.
Sinabi pa ni Cacdac na nakatakda rin niyang bisitahin ang pamilya ng nasawing seafarer sa kanilang lalawigan pagbalik niya ng Pilipinas.
Dagdag pa ng kalihim, ito ang kauna-unahang pagkakataon na may inatakeng barko sa Persian Gulf.
Samantala, patuloy ring binabantayan ng DMW ang sitwasyon sa Strait of Hormuz kung saan, humigit-kumulang 150 Pilipinong seafarers ang nakasakay sa 14 na barko mula pa noong Oktubre.