Wala pang nakikitang ebidensya ang Philippine National Police (PNP) na nag-uugnay kay Thomas Markle Jr. sa child sex abuse case na kinasasangkutan ng kanyang amang si Thomas Markle Sr.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy ang imbestigasyon sa mga aktibidad ni Markle Sr. habang nasa Pilipinas, partikular sa Visayas kung saan ito huling nanirahan.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang PNP sa iba pang law enforcement units, lalo na sa mga awtoridad sa Estados Unidos upang makakuha at beripikahin ang mga impormasyong may kaugnayan sa kaso.
Mahigit dalawang linggo nang sinusuri ng mga imbestigador ang iba’t ibang ebidensya, kabilang ang mga personal na gamit at iba pang bagay na iniwan ni Markle Sr., gayundin ang mga naging aktibidad nito habang nasa bansa.
Sinabi ni Nartatez na nasa siyam hanggang 10 buwang namalagi sa Pilipinas si Markle Sr. mula nang pumasok ito sa bansa hanggang sa pag-alis noong ikalawang quarter ng taong ito.
Tinitingnan din ng PNP ang posibleng paglabag ni Markle Sr. sa mga batas ng Pilipinas, gayundin ang posibleng pagkakasangkot ng kanyang mga naging kasamahan o associates.
Una nang sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na nasa 7,500 larawan at isang video na nagpapakita ng mga menor de edad, kabilang ang ilang pinaniniwalaang Pilipino, ang umano’y narekober mula sa mga device na iniuugnay kay Markle Sr.