Nananatiling stable ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga palengke partikular ang mga produktong agrikultural sa kabila ng inaasahang epekto ng matinding El Niño.
Sa panayam ng PTV kay Department of Agriculture (DA) Assistant Secretary Genevieve Velicaria Guevarra sinabi na nasa maayos na presyuhan naman ang mga gulay at iba pang agri produce maliban na lamang sa ilang lowland vegetables at highland vegetables tulad ng talong at kamatis na nakapagtala ng 20 percent na pagtaas sa presyo.
Ani Guevarra, wala namang dapat ikabahala dahil ang mga ganitong paggalaw ay kadalasang dulot ng seasonality ng mga agri produce.
Nakabantay na rin ang DA sa presyuhan ng mga produkto sa palengke na sangkap sa Noche Buena lalo’t papalapit na ang kapaskuhan.
Patuloy rin ang mahigpit na pagbabantay at inspeksiyon sa mga nagbebenta sa palengke kung nakakasunod sila sa tamang presyuhan at tamang pag-iimbak ng kanilang mga agri produce lalo na sa mga produktong karne.