Mahalaga na maipakita ng Pilipinas ang kakayahan nito na tiyakin ang seguridad ng mga head of states na bibisita sa Pilipinas at makikibahagi sa ika-49 na ASEAN Summit sa susunod na linggo (November 15 – 17). Ito ang dahilan ayon kay Communications Usec Claire Castro kung bakit nagkakaroon ng mga clearing operation sa bisinidad o palibot ng Philippine International Convention Center (PICC), kung saan idaraos ang summit.
“Sa ngayon po ang pinag-uusapan dito bakit may clearing? Kasi po ito ay usaping pang-seguridad. Security po ang pinag-uusapan natin dahil halos 20 o dalawampung heads of state ang pupunta sa atin at ito po ay parte ng pagprepara para sa seguridad ng ating mga bisita.” -Castro.
Pahayag ito ng opisyal nang hingan ng reaksyon kaugnay sa paratang na umano’y white washing o pagtatakip ng kahirapan sa Metro Manila ang mga ginagawang clearing at beautification operations sa mga dadaanan ng summit, kung saan apektado anila ang street vendors at dwellers.
Ayon kay Castro, ang MMDA, hindi naman tumitigil sa paglilinis sa mga kalsada sa NCR. “Ang MMDA alam naman natin, Metro Manila ang pinag-uusapan natin hindi naman sila tumitigil sa paglilinis ng ating mga lugar. At ang kalinisan ng ating lugar hindi lang gobyerno ang nagsasagawa kundi buong taumbayan.” -Castro.
Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang administrasyon aniya, nakatutok sa pagsasaayos at pag-kumpleto ng preparasyon na ito. Dagdag ni Castro, malaking bagay na maipakita ng Pilipinas sa ibang mga bansa na kaya nitong magbigay ng sapat na seguridad sa mga lider na bibisita sa Maynila. Kasabay ng pagpapakita ng hospitality ng mga Pilipino.
Kung mayroon man aniyang mga maliliit na negosyo at iba pang sektor na naaapektuhan sa hosting ng Pilipinas sa summit, tutugunan naman ito ng gobyerno. “Kung anuman iyong maaapektuhan, kung may kinakailangan po na transportasyon na maaapektuhan noong gagawing pagra-rally, ito po ay tutugunan ng ating gobyerno. Ang hiling lang naman, kayo ay may panahon, marami kayong panahon kung anong gusto ninyong sabihin sa gobyerno mas maganda po sana kung hindi itapat ito sa pagdating ng ating mga bisita. Ipakita natin ang tunay na kagandahang ugali ng mga Pilipino.” -Castro.