Pinangunahan ng TESDA ang serye ng talakayang ginanap sa katatapos lamang na ASEAN Summit, para sa linya ng Technical and Vocational Education and Training (TVET).
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni DDG Rosanna Urdaneta, Deputy Director General for Policies and Planning ng TESDA at Founding Committee head ng ASEAN TVET Council, na unang gumulong ang First TVET Policy Dialogue on Digital Transformation lalo’t ito ang pinaka-mahalagang paksa sa kasalukuyan.
“And then mayroon din tayo para naman sa inclusivity ng mga programa.” -Urdaneta.
Pinangunahan din aniya ng TESDA ang regional sharing forum on women in TVET; Nagkaroon din ng second policy dialogue, ang ASEAN Green Jobs Forum.
“At iyong pinaka-high level fifth ASEAN TVET Council Policy Dialogue.” -Urdaneta.
Ilan lamang sa mga tinalakay sa mga pulong na ito, ang dual transition, maging ang green at digital at inclusive na pagbabago ng TVET.
Kabilang rin ang women’s economic empowerment sa pamamagitan ng green at digital TVET.
Gayundin ang pagpapabilis ng digital at technology-enabled skills development, evidence-based at future-ready skills governance, pagiging inclusive at people-centered transition.
Ibig sabihin, wala dapat maiiwan at mas matibay na regional cooperation upang maisakatuparan ang mga inisyatibang ito.
“So, iyon iyong pinaka mga topics na napag-usapan at napaka-successful naman dahil madaming mga naibigay na insights sa atin ang ibang AMS or ASEAN Member States at of course, na-share din natin sa Pilipinas iyong mga good practices natin dito sa ating bansa.” -Urdaneta.
Sabi ng opisyal, sa mga pulong na ito, isinulong ng Pilipinas ang tatlong mahahalagang bagay, para sa mga Pilipino. Pagkilala, kalidad, at oportunidad.
“Iyong Skills Passport po, iyon po iyong pagkilala so that we would be able to really show the whole world that iyong mga Pilipino po ay may kakayahan at certified ang mga skills nila. So, ang sinasabi nga po ngayon is ang layunin ng rehiyon is that skills that can travel. So portable po iyon, accessible sa lahat.” -Urdaneta
Dahil maituturing na benchmark na ng mga Pilipino ang World Skill Standards at sa pagbabahagi ng best practice sa ASEAN, pang-international na aniya ang antas ng training na naipagkakaloob ng gobyerno sa mga skilled worker.
“Pang-international na po ang antas ng training kahit hindi umalis ng bansa. We are very proud to have that because we have always been adopting some of the standards of other nations like sa Australia, iyong mga best practices po ng ASEAN. So, may kalidad po ang ating mga programa.” -Urdaneta.
Sabi ng opisyal, kapag mataas ang kasanayan ng workforce, mas nakakaakit ito ng mga mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa bansa, na magbubukas naman ng mas maraming trabaho, at nakikita na aniya ang epekto nito sa rehiyon.
“So nakikita na ang epekto sa rehiyon, bumaba ang bilang ng kabataang walang trabaho, pag-aral o training mula halos 19% noong 2020 tungo sa humigit-kumulang 15% noong 2025. Pero marami pang dapat gawin, lalo na sa pagtiyak na natatapos ang mga mag-aaral ng kanilang training at nakakakuha ng disenteng trabaho.” -Urdaneta. | ulat ni Racquel Bayan