Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang panukalang batas na magmamandato sa lahat ng ahensya ng gobyerno na tanggapin ang mga beripikadong digital government-issued ID bilang sapat na patunay ng pagkakakilanlan sa mga transaksyon.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 2590 o panukalang “Government-Issued Digital Identification Acceptance Act,” inaatasan ang mga national government agency, local government unit, government-owned and controlled corporation at government financial institution na kilalanin ang mga authenticated digital version ng mga balidong government ID.
Ayon kay Tulfo, layunin nitong matugunan ang mga reklamo ng publiko na hindi natutuloy ang kanilang transaksyon o pagkuha ng serbisyo dahil hindi tinatanggap ng ilang tanggapan ang digital IDs.
Giit ng senador, kung hinihikayat ng pamahalaan ang publiko na gumamit ng eGovPH at ilagay doon ang kanilang mga ID ay dapat ding kilalanin ang mga ito sa mga government transactions.
Sa ilalim ng panukala, kailangang magpatupad ang mga ahensya ng makatwirang proseso para beripikahin ang digital IDs.
Kung pansamantala namang hindi gumagana ang electronic verification system, dapat silang magbigay ng alternatibong paraan ng beripikasyon.
Hindi naman aalisin ng panukala ang opsyon ng publiko na gumamit ng physical ID.
Nakasaad din na puwede pa ring humingi ng karagdagang beripikasyon ang mga ahensya para maiwasan ang pandaraya at pagnanakaw ng identity.
Maaari ring managot sa administrative sanction ang sinumang kawani ng gobyerno na tatangging tumanggap ng authenticated digital ID nang walang sapat na dahilan. | ulat ni Nimfa Asuncion