Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na may nakahanda itong mga contingency plan, sakaling humantong sa worst-case scenario ang reaksyon ng publiko sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang tugon ni PNP Spokesperson PBGEN Allen Rae Co kay Interior Secretary Jonvic Remulla na paghandaan ng PNP ang pagtatapos ng paglilitis sa Pangalawang Pangulo.
Ayon kay Co, anuman ang mangyari, mananatiling tapat ang pulisya sa kanilang sinumpaang tungkulin sa Konstitusyon at sa rule of law.
“We always plan ahead. Mayroon po tayong mga contingency plans for any situation that might develop. Now, we would like to reiterate that the Philippine National Police will remain true to our oath—to the Constitution, the rule of law, and of course, to our service to the Filipino people,” ani Co.
Matatandaang sinabi ni Remulla na inaasahang mataas ang emosyon ng mga tagasuporta at kritiko ni VP Duterte habang papalapit ang hatol.
Target ng prosekusyon na matapos ang paglilitis sa Bise Presidente bago ang Kapaskuhan.