Isinusulong ng Department of Justice o DOJ ang mas mahigpit na kooperasyon ng mga bansa sa Southeast Asia upang mapadali ang pagpapabalik sa mga kriminal at iba pang indibidwal na nahaharap sa kasong kriminal na tumatakas sa ibang bansa.
Sa ginanap na 25th ASEAN Senior Law Officials Meeting sa Thailand noong Nobyembre 9 hanggang 12, binigyang-diin ni DOJ Chief State Counsel Dennis Arvin Chan ang kahalagahan ng pagpapatupad ng ASEAN Treaty on Extradition.
Ang kasunduan, na nilagdaan sa Maynila noong Nobyembre 2025, ay naglalayong palakasin ang pagtutulungan ng mga bansang ASEAN sa pagpapabalik ng mga taong pinaghahanap ng batas upang maharap sa paglilitis o magsilbi ng kanilang sentensya.
Iminungkahi rin ng Pilipinas ang pagsasagawa ng regional workshop upang ihanda ang mga opisyal na mangangasiwa sa extradition, na sinuportahan ng ilang bansang kasapi ng ASEAN.
Kabilang din sa mga tinalakay ang negosasyon para sa kasunduan sa paglilipat ng mga nahatulang bilanggo sa pagitan ng mga bansa, paglaban sa transnational crime, violent extremism at paggamit ng artificial intelligence sa sektor ng batas.
Nakipagpulong din ang delegasyon ng Pilipinas sa mga kinatawan ng Japan upang palakasin ang legal cooperation at assistance sa pagitan ng dalawang bansa, kasabay ng ika-70 anibersaryo ng kanilang diplomatikong relasyon.
Ayon sa DOJ, sa ilalim ng pamumuno ni Justice Secretary Fredderick Vida, patuloy nitong isusulong ang mga kasunduan upang matiyak na hindi magagamit ng mga lumalabag sa batas ang pagtakas sa ibang bansa bilang paraan upang makaiwas sa pananagutan.