Inakusahan ni House lead prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang kampo ni VP Sara Duterte na tila pinatatagal na lamang nila ang paglalahad ng kanilang mga ebidensya sa iisang kaso.
Para kay Luistro, posibleng istratehiya ito na patagalin ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya at testigo.
Nagbabala rin ang mambabatas sa publiko at korte na ‘wag malihis ang kanilang atensyon sa mga iprinesentang mga testigo na hindi naman sinagot ang paratang ng umano’y unexplained wealth ng pangalawang pangulo.
Samantala, hinimok din ni private prosecutor Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. ang depensa na sundin ang kanilang inihayag na plano para sa mga testigo.
Kinuwestiyon niya kung bakit binabawi ang mga testigo matapos nang maisaayos ang kanilang pagdalo sa korte.
Para naman sa mga inatras na articles of impeachment ng prosekusyon hinggil sa confidential funds, panunuhol (bribery), at grave threats ay ipauubaya na ito sa Office of the Ombudsman at sa Quezon City Regional Trial Court, habang nakatuon na lamang ang paglilitis sa Article II.