Mas maraming oportunidad sa trabaho at negosyo ang inaasahang mabubuksan sa Pilipinas sa pamamagitan ng Luzon Economic Corridor o LEC, kasabay ng lumalawak na suporta ng iba’t ibang bansa sa mga proyektong pang-imprastraktura at pamumuhunan.
Sa Pilipinas Conference 2026, inilahad ni Department of Finance Undersecretary Ma. Angela Ignacio ang mga oportunidad sa pamumuhunan sa ilalim ng programa na naglalayong palakasin ang koneksyon ng Subic, Clark, Maynila at Batangas.
Ayon kay Ignacio, kabilang sa mga sumusuporta sa LEC ang Australia at Canada para sa investment promotion at technical assistance, habang tumutulong naman ang France at Sweden sa pagpopondo ng mga pag-aaral para sa tulay at railway projects.
Nakatuon naman ang Denmark at Spain sa shipbuilding at maritime innovation, habang sinusuportahan ng South Korea, Italy at Spain ang mga proyekto sa transportasyon, koneksyon at industriya.
Kabilang din ang European Union sa mga katuwang para sa mga proyektong may kinalaman sa green energy at digital technology.
Hinimok ni Ignacio ang mga dayuhang mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa Luzon Economic Corridor at makipagtulungan sa mga manggagawa at lokal na supplier na Pilipino.
Samantala, sa isang video message, tiniyak ni Finance Secretary Frederick Go ang kahandaan ng Department of Finance na makipagtulungan sa mga pandaigdigang kompanya upang makalikha ng mas maraming trabaho at mapalawak ang oportunidad sa negosyo sa bansa.