Dismayado ang House prosecution panel dahil sa paulit-ulit na pag-atras ng mga testigo ng depensa ni Vice President Sara Duterte at sa kawalan umano ng mga “pasabog” na testimonya na unang ipinangako ng kanyang mga abogado sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay House Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, patuloy pa ring naghihintay ang prosekusyon ng matibay na ebidensya na direktang sasagot sa P817.87 milyong umano’y hindi maipaliwanag na kayamanan (unexplained wealth) ng Bise Presidente.
Inihalintulad pa niya ang mga umano’y pasabog na rebelasyon bilang kuwitis o watusi.
Kinuwestiyon din ni Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr. ang sunod-sunod na pagbawi ng mga testigo sa kabila ng sapat na panahon ng paghahanda ng kampo ni VP Sara.
Tinukoy ni Tolosa ang pag-atras sa isang senior vice president ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na pinabalik pa sa korte kinabukasan, gayundin ang isang barangay captain na bumiyahe pa mula sa Davao ngunit hindi rin isinalang at ang personalidad mula sa Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM).
Para naman kay House Impeachment Team Adviser at Spokesperson Ace Barbers tila nahihirapan na ang kampo ng depensa na maghanap ng mga testigo at ebidensya upang kontrahin ang kaso.
Dagdag pa ni Luistro, posibleng mahirap sagutin ang kaso ng pangalawang pangulo o kwestyon na ito ng competence ng defense lawyers.
Nakatakdang magpatuloy ang paglilitis sa Disyembre 1.