Mahalagang makamit ng Pulisya ang tiwala ng publiko, mapatatag ang ugnayan sa mga komunidad gayundin ay makapaghatid ng maaasahang serbisyo sa publiko.
Ito ang binigyang-diin ni Philippine National Police (PNP) Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa isinagawang flag-raising ceremony sa Kampo Crame ngayong umaga.
Ginawa ng PNP Chief ang pahayag kasunod ng paalala nito sa mga pulis na huwag hayaang makaapekto ang mga personal nilang pananaw sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Binigyang-diin ni Nartatez na hindi lamang sa dami ng mga naaarestong suspek at nakukumpiskang mga ebidensya nasusukat ang mga tagumpay ng PNP.
Giit pa niya, dapat manatiling patas at walang kinikilingan ang PNP sa pagpapatupad ng batas gayundin sa kanilang mga kinikilos at sinasabi lalo na sa social media.
Tungkulin aniya ng PNP na maglingkod sa lahat ng Pilipino, anuman ang kanilang paniniwala o kinabibilangang pulitikal.
Dahil dito, pinaalalahanan ni Nartatez ang mga tauhan nito na pairalin ang patas na pagpapatupad ng batas at paggalang sa karapatang pantao.