Naniniwala si Impeachment Adviser Ace Barbers na mas marami pang fake news ang inaasahang ilalabas habang papalapit ang pagtatapos ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, kabilang dito ang diversionary tactics na naglalayong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa mga pangunahing akusasyon na dapat sagutin ng kampo ng Bise Presidente.
Iginiit niya, na marami pa ring mga Pilipino ang hindi nagpapadala sa mga imbentong naratibo na ginagamit upang siraan ang proseso ng paglilitis.
Dagdag pa ni Barbers, umiikot na lamang umano ang mga ganitong pahayag sa kanilang sariling “echo chamber” upang palabasin na nananatiling malakas ang suporta sa kanila.
Kasabay nito, muling binigyang-diin ng dating mambabatas na nakahanda ang panig ng prosekusyon sa sinumang testigo na ihaharap ng depensa upang pabulaanan ang mga alegasyon laban kay Duterte.