Kinuwestiyon ng House prosecution ang kakayahan ng Board of Investments o BOI na matiyak ang aktuwal na kalagayan ng pasilidad ng Cale88 Foods Corporation matapos itong sumailalim sa virtual inspection noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay House prosecution spokesperson Zia Alonto Adiong, mahirap matiyak kung nasuri nang maayos ang mga kinakailangang pasilidad ng kumpanya kung sa pamamagitan lamang ng virtual inspection isinagawa ang pag-iinspeksyon.
Batay sa testimonya ng DTI Undersecretary at BOI Managing Head Ceferino Rodolfo, isinagawa ang virtual inspection noong Disyembre 2021, kung saan nakasaad sa ulat na ginagawa pa ang gusali ng Cale88 at wala ring nakitang raw materials sa pasilidad.
Nakuha ng Cale88 ang BOI registration noong Disyembre 9, 2021, habang inilipat naman sa Enero 2023 ang pagsisimula ng commercial operations nito.
Gayunman, nilinaw ni Adiong na hindi lamang ang proseso ng pagpaparehistro ang pangunahing usapin ng prosecution kundi ang malalaking transaksyon at bank inflows ng kumpanya na aniya’y hindi pa lubusang naipapaliwanag ng depensa.