Maghahandog ng Libreng Sakay ang Department of Transportation (DOTr) gayundin ng partner agencies nito ngayong Lunes, November 23 at Martes, November 24,
Ito’y para alalayan ang mga maaapektuhang pasahero ng 2-araw na transport strike ng grupong MANIBELA bilang paghahayag ng suporta kay Assistant Secretary Marcus Lacanilao para manatili sa Land Transportation Office (LTO).
Batay sa abiso ng DOTr, epektibo ang Libreng Sakay mula alas-6 ngayong umaga hanggang alas-9 mamayang gabi, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking may masasakyan ang mga komyuter.
Saklaw ng Libreng Sakay ang mga rutang Quiapo patungong Cubao, Quiapo patungong Doña Carmen, Commonwealth, Quiapo patungong Fairview, Taft (Buendia) patungong Alabang, at Commonwealth patungong Cubao (via East Avenue/V. Luna) at pabalik.
Katuwang ng DOTr sa paghahandog ng Libreng Sakay ay ang ang Office of the President, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA), at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Gayundin ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), Department of Energy (DOE), at Philippine Army.
Inaasahan namang maglalabas ng pahayag ang DOTr gayundin ang LTO hinggil sa usapin.